goyli

she who dares trek the jungle barefoot.

Archive for December, 2008

Christmas Party 08

Minsan, naghanap ako ng dahilan para makabisita sa isang lugar at pabiro akong sinabihan ng kaibigan ko na gawin kong rason ang isang research kung papaano magcelebrate ng pasko ang mga biktima at mga pamilya nila, para opisyal akong makapunta sa kanila. Di ko inakalang ang pabirong suggestion na ito ay sasagutin sa isang okasyon na madadaluhan ko ngayong araw na ito.

Paano nga ba? Papaano magdiwang ng pasko ang mga inulila na?

Di ko na kinailangan gumawa ng questionnaire para dito o maghanap ng mga biktima at mga kaanak nila para itipon at gawing focus group para sa mga katanungan ko. Kanina lang galing ako sa isang pagtitipon, Christmas party ng mga nawalan; mga kapamilya ng mga biktima ng sapilitang pagkawala.

Simple lang ang okasyon, simple lang ang pagkain, kahit konti lang nabusog ako. Mas nabusog ako sa halakhak ng bawat isa, sa mga games, sa mga sigawan, sa mga tapunan ng biro at tuksuhan. Hindi pilit ang mga ngiti at tawanan, sa palitan ng mga aguinaldo at premyo. Masaya ang okasyong ito!

Nagkita kita muli ang mga magkakaibigan, namiss ang isa’t isa. May nanggaling pa sa malayong lugar, merong may iniindang personal na suliranin pero tiniyak pa ring makasalo sa kasiyahan.

Saksi ako at kasalo sa kung papaano magdiwang ang mga mag-anak na ito; silang nawalan ng mga asawa, anak, kapatid, ama at ina. Silang sa mga unang panahon ng pagka-ulila ay naghanap, nalungkot, lumuha, nagalit at ngayon ay patuloy na kumikilos, naghahanap.

Hindi nila hinayaan balutin sila ng lungkot, takot o kaya galit. Sa mga panahong ito, kasama ang iba pang pamilya, kumuha sila ng lakas sa bawat isa at sabay na hinarap ang mga hamon ng kanilang sitwasyon. Masaya silang magkakasama sa dapat naman ay masaya ring okasyong ito ng pasko.

Ang pagkawala ay nandyan pa rin, ngunit ang nakamit naman ay ang mga karamay sa hirap, mga pamilyang ngayon ay pamilya na rin nila, ng bawat isa. Di na sila hiwa-hiwalay kundi kumikilos na bilang isa.

Ang kanilang pagdiwang ng pasko ay tulad din ng iba, may kainan, paligsahan, palitan ng regalo, at maikling programa. Pero kaiba sa ibang mga party, ang okasyong ito ay pagdiriwang din ng pagkakaisa para sa hustisya at para sa patuloy na paghahanap at pakikibaka.

Ito na marahil ang pinakamasayang Christmas party na nadaluhan ko ngayong taon. At sa susunod pa, balak kong maging bahagi ng ganitong mga okasyon. Hindi man ako biktima o kapamilya ng biktima, ako ay kaibigan nila at kaisa nila ako sa kanilang gawain at pakikibaka; sa luha man at sa saya.